Below are texts of the description of every Carroza that participates in the Holy Week Procession in Baliuag, Bulacan, the site of the longest Holy Week Procession in the Philippines. As of this year 2020, 124 Carrozas (including the Easter Sunday Procession) were supposed to be featured, with 1 making a "Primera Salida", however due to the Coronavirus pandemic, there will be NO processions but Holy Week Liturgies still goes on thanks to the power of social media.
The descriptions can be read along if you're going to watch the Holy Week Procession in Baliuag from the previous years. It can also be used as a guide for your description of the partiular Carroza that will making a Primera Salida in your own Parish, however be advised to consult with your Parish Priest first on which scene or Holy individual you wanted to participate.
The descriptions of the Apostles and the Holy Men and Women are a mix from the Baliuag Procession and the Marikina Holy Week Procession.
ANG MGA APOSTOL NI HESUS
San Pedro
Si San Pedro na ang kahuluga’y ‘bato’ ay Isang mangingisda mula sa Betsaida at kapatid ni Andres. Tinawag siyang ‘Prinsipe ng mga Apostol’, hinirang siya ng ating Panginoon upang maging pinuno o Papa ng ating Simbahan noong ipinahayag niya ang kanyang pananalig sa Anak ng Diyos. Winika ni Hesus “ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” Sa Pasyon ni Hesukristo, ay tatlong ulit niyang itinatwa ang Panginoon, ngunit ay humingi din ng kapatawaran.
San Andres
Si Andres ay kapatid ni Pedro, na mga mangingisdang taga-Betsaida sa baybay dagat ng Galilea. Ang alagad na kauna-unahang tinawag ng Panginoon. Nang makilala ni San Andres ang tunay na Mesiyas o Kristo, ay agad niyang ibinalita kay Simon Pedro at dinala siya kay Hesus. Kina Pedro at Andres ay sinabi ng Panginoon ang katagang ito “halina kayo at sumunod sa akin, gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Siya ang nakatagpo sa batang pinagmulan ng isda at tinapay para sa pagpapakain ng Panginoon sa limang libong katao.
Santiago Mayor
Si Santiago magno ay Anak ni Maria Salome at kapatid ni San Juan Ebanghelista at anak ni Zebedeo. Siya ay tinawag na Mayor upang mabukod sa nakababatang Santiago. Naging saksi sa muling pagbuhay sa anak ni Jairo, pagbabagong-anyo ni Hesus sa Tabor at ang panalangin sa Getsemani.
San Bartolome
Si Bartolome ay mula sa bayan ng Cana, siya ay tinawag ding Nataniel na ang kahuluga’y ‘ibinigay ng Diyos.’ Hinikayat siya ni Felipe para maging Alagad din ng Panginoon. Siya’y tinawag ng Panginoong Hesus na hindi mandaraya. Nang makita ng Apostol si Hesus ay agad niyang sinabi “ikaw ang anak ng Diyos, ang hari ng Israel.”
San Felipe
Si Felipe ay isang disipulo mula sa Betsaida at parating ika-lima sa lista ng mga Apostol at isa sa mga unang tinawag ng Panginoon. Siya ang naghikayat kay Bartolome upang maging alagad din ng Panginoon. Pangalan niya’y Griyego kaya siya ang nilapitan ng mga ito nung nais na makausap si Hesukristo. Noong tinanong niya si Hesus na ipakita ang kapangyarihan ng Diyos Ama ay sinagot siya ng “ang sinumang makakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama.”
Santiago Menor
Isa sa mga Apostol, anak nina Alfeo at Maria Cleopas. Tinawag siyang menor upang maiba sa nakatatandang Santiago. Pinaniniwalaang may akda ng isang sulat sa bagong tipan dahil ito’y patungkol sa lahat at nagbibigay pansin sa kahalagahan ng mga mabuting gawa upang maging sagisag sa pananampalataya sa Diyos. Sa kanya’y nagpakita ang Panginoong muling nabuhay.
San Mateo
Ang kahuluga’y ‘handog ng Diyos’, tinatawag din siyang Levi na taga Capernaum. Ang alagad na ito ay tinawag ng Panginoong Hesukristo habang naghahanap-buhay bilang tagapaningil ng buwis. Mula sa pagiging makasalanan, na tagapaningil ng buwis, ay naging apostol at ebanghelista.
Santo Tomas
Si Tomas na tinaguriang kambal ay isang taga-Galilea na isa sa labindalawang apostol ng Panginoon. Bago pa man ang pagkamatay ni Hesus, ay walang takot niyang ipinahayag ang “sumama tayo kay Hesus kahit sa kamatayan.” Noong una, siya ay hindi naniwala sa muling Pagkabuhay ni Kristo, ngunit makalipas ang walong araw, agad siyang naniwala nang magpakita ito sa kanya. Hiniling ni Hesus na lumapit si Tomas upang tignan at ipasok ang kamay niya sa kanyang tagiliran. Winika ni Hesus “mapalad yaong mga hindi nakakakita at sumasampalataya.”
San Simon
Isa sa labindalawang apostol mula sa bayan ng Cana, siya ay tinaguriang makabayan nang dahil sa kanyang masugid na pagsunod sa batas ng mga Hudyo at masidhi ang pagmamahal sa bayang Israel. Tinawag din siyang ‘Zelote’ ni Lukas na isang grupo ng mapagmalasakit sa bayan.
San Judas Tadeo
Si Judas Tadeo ay anak ni Cleopas, siya rin ang nagtanong kay Kristo sa Huling Hapunan kung bakit sa kanila lang nagpakita ang Panginoon at hindi sa mundo, sagot ng Panginoon “ang sinumang magmahal sa akin ay susunod sa aking aral.”
San Matias
Ang Pumalit kay Hudas Iscariote, at pinili ng sapalaran. Nasundan niya ang pagbibinyag sa ilog Jordan hanggang sa pag-akyat sa langit. Isang masugid na tagasunod ng Panginoon.
ANG BUHAY NG PANGINOONG HESUS
A.) ANG PAGPAPASINAYA NG MISYON
Ang Pagbibinyag kay Jesus ni Juan Bautista
Si Hesus ay bininyagan, hindi dahil sa siya ay makasalanan kundi tanda ng kanyang pakikiisa sa sangkatauhan. Langit ay bumuka, tinig nama’y narinig, Espiritu Santo’y bumababa na anyo ng kalapati sa bugtong na Anak.
Ang Panunukso ng Diyablo kay Jesus
Matapos na si Hesus ay mabautismuhan ni Juan Bautista, dinala siya ng Espiritu sa ilang upang mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Habang si Hesus ay nagaayuno, siya ay tinukso ng diyablo.
Ang Kasalan sa Cana, Galilea
Sa kasalan sa Cana, Galilea naganap ang unang himala ni Hesus; ang tubig ay naging alak. Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan at nanalig sa kanya ang mga alagad.
Ang Pangangaral ni Jesus kay Nicodemo
Si Nicodemo ay isang pariseo at pinuno ng mga Judio. Sinabi sa kanya ni Hesus “maliban na ipinanganak na muli ang isang tao, hindi siya paghaharian ng Diyos.” “Paano kung maipapanganak na muli ang isang tao kung matanda na siya, makakapasok pa ba siya sa tiyan ng kanyang ina para maipanganak na muli?” tanong ni Nicodemo. “Sinasabi ko sa inyo” ani Hesus, “maliban na ang tao’y ipinanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya paghaharian ng diyos. Ang ipinanganak sa laman ay laman at ipinanganak sa Espiritu ay Espiritu.”
Ang Pangangaral ni Jesus sa Samaritana
Isang tanghaling tapat, napagod si Hesus, umupo at nagpahinga doon sa tabi ng balon ni Jacob. Dumating doon ang isang babaeng Samaritana upang umigib ng tubig. Siya’y kinausap ni Hesus at humungi ng tubig upang makiinom, siya ay pinagpahayagan ni Hesus tungkol sa tubig na nagbibigay buhay, "siya ang Mesiyas at Panginoon, ang manunubos ng sanlibutan."
Ang Pangangaral ni Jesus sa madla (o sa Bundok)
Sa pangangaral ni Hesus sa bundok, ay paulit-ulit niyang sinabi ang katagang ito “Mapalad kayo.” Dito ay makikita ang pamantayan ni Hesus at taliwas sa tinatangkilik ng mundo. Kay Hesus ang mapalad ay ang mga dukha, ang mga inaapi, ang mga tumatangis, subalit sa mundo ang mapalad ay ang mayayaman, makapangyarihan at mga humahalakhak. Hindi ito nangangahulugan na ibig ni Hesus na tayo’y maging mahirap, inaalipusta at laging naghihinagpis.
Ang Pagsisisi ni Maria Magdalena
Sa bahay ni Simon pariseo naganap ang pagpunas at paghalik ni Maria Magdalena sa mga paa ni Hesus. Sa tagpong ito, pinatawad siya ni Hesus sa kanyang mga kasalanan.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Lalaking Ketongin
“Ginoo, kung ibig po ninyo, mapagagaling ninyo ako.” Siya’y hinipo ni Hesus at sinabi “ibig kong gumaling ka” at gumaling ang ketongin. “Ginoo, kung ibig po ninyong mapagagaling din niyo ako sa aking kasalanan.”
B.) ANG PANAHON NG PAGPAPAKILALA NI JESUS
Ang Himala ng maraming huling Isda at ang Pagtawag ni Jesus sa mga unang Disipulo
Sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng lawa ng Galiliea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro at ang kanyang kapatid na si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat, sinabi niya sa kanya “sumunod kayo sa akin at kayo’y gagawin Kong mamalakaya ng mga tao.” Noon din ay iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.
Ang Pagtawag ni Hesus kay Mateo
Mula sa pagiging publikano, si Levi ay tinawag na nakilala bilang Mateo upang maging Alagad ni Kristo.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Babaeng Inaagasan
Habang si Hesus ay naglalakad at siniksiksik ng mga tao, may isang babae ang lumapit sa kanyang likuran at hinipo ang kalawit ng damit ni Hesus at pagdako’y gumaling ang kanyang pagdurugo. Nalaman ni Hesus na may humipo sa kanyang damit, sinabi ni Hesus sa babae “Anak, pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin, umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban.”
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Anak ni Jairo
Si Jairo ay may isang anak na namatay, pinuntahan ni Jesus ang anak ni Jairo sa kanilang bahay at hinawakan niya ang kamay ng anak ni Jairo at winika “Ineng, bumangon ka” nagbalik ang kanyang hininga at siya ay bumangon.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa isang Lalaking Lumpo sa Betesda
Si Hesus ay nagpunta sa Bethesda, sa wikang Hebreo na ibig sabihin ay “diposito ng tubig.” May isang lalaking tatlumpu’t walong taon nang maysakit. Sinabi ni Hesus “kunin mo ang iyong higaan at bumangon ka.” Pagkasabi ay bumangon nga ang lalaki.
Ang Pagtuturo ni Jesus ng "Ama Namin"
Minsan nanalangin si Hesus, pagkatapos sinabi ng isa sa kanyang mga alagad “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus “kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin niyo; Ama, sambahin nawa ang pangalan mo, magsimula na sana ang iyong paghahari, sundĆn nawa ang iyong kalooban. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinatawad namin ang aming mga nagkakasala sa amin at huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.”
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Lalaking Pipe at Bingi
“Effata” na ang ibig sabihi’y ay mabuksan. Si Hesus ang nagbubukas ng ating pandinig at bibig. Sa ritwal ng Binyag, maari paring sabihin ng Pari ang “effata” upang mabuksan ang ating pandinig sa salita ng Diyos at makapagpuri tayo sa kanya.
C.) ANG PANAHON NG PAGTULIGSA KAY JESUS
Ang Paglalakad ni Jesus sa Tubig
Agad pinasakay ni Hesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa ibayo. Samantalang nasa laot pa ang mga alagad, sila’y sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. At ng madaling araw na, ay sumunod sa kanila si Hesus, na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad, nang makita nilang may naglalakad sa ibabaw ng tubig “Multo!” sigaw nila, ngunit agad nagsilita si Hesus at sinabi sa kanila “huwag kayong matakot, si Hesus ito!” at nagsalita si Pedro “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot si Hesus “Halika.”
Ang Pagbibigay ni Jesus ng Susi ng Langit kay Pedro
Kay Pedro at sa kanyang kahalili, ang Santo Papa ay ibinigay ang susi ng kaharian ng langit. Sa kanya’y ipinangako na “anumang ang ipagbawal niya sa lupa ay ipagbabawal din sa langit at anuman ang ipahintulot sa lupa’y ipahihintulot din sa langit.”
Ang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa kanyang Kamatayan
Itinagubilin ni Hesus sa kanyang mga Alagad na huwag na huwag nilang sasabihin ito kaninuman at sinabi pa niya sa kanila “ang Anak ng tao’y dapat magbata ng maraming hirap, itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong sacerdote at mga eskriba. Ipapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.” At sinabi niya sa lahat “kung ibig ninuma’y sumunod sa akin, limutin niya ang tungkol sa kanyang sarili, pasanin ang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na maligtas ang kanyang buhay, ay siyang mawawalan nito, ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit nito.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus sa Bundok ng Tabor
Si Hesus at ang kanyang tatlong alagad ay nagtungo sa Bundok Tabor, at habang sila ay naroon, naging kamanghamangha ang dumapit sa isipan at puso ng kanyang mga alagad nang kanilang makita si Hesus na nagbagong-anyo. Naging maningning at busilak ang kanyang kasuotan, nakita ng mga alagad si Elias at si Moises na nakikipagusap kay Hesus.
Ang Pagdalaw ni Jesus kina Marta at Maria sa Betania
Nagpatuloy si Hesus at ang kanyang mga alagad sa kanilang paglalakbay at pumasok sa isang nayon. Malugod siyang tinaggap ng isang babaeng nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang bababeng ito ay may isang kapatid na ang pangalan ay Maria, naupo ito sa harapan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta, sapagkat tulak ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at winika “Panginoon, sabihin niyo nga po sa kapatid kong tulungan niya ako.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan; pinili ni Maria ang lalong mabuti at ito’y hindi aalisin sa kanya.”
Ang Pangangaral ni Jesus tungkol sa Tore ng Siloe
Ang labingwalong nabagsakan ng tore ng Siloe ay hindi higit na makasalanan kaysa sa atin, kaya tayo’y binabalaan ng Panginoong Hesus upang hindi mapahamak. Tayo ay magsisi sa ating kasalanan.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Babaeng Hukot
Noong isang araw ng Sabat sa Sinagoga, pinagaling ng Panginoong Hesus ang babaeng hukot, upang ipahayag na ang pagliligtas at pagdamay sa kapwa ay mas mahalaga kaysa sa titik ng batas.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Lalaking ipinanganak na Bulag
Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag, pinagaling siya ni Hesus sa pamamagitan ng pagdura sa lupa at ginawang putik na siyang ipinahid sa mga mata ng bulag. Inutusan siya ni Hesus na hilamusan ito ng tubig sa Siloe, gayun nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakita na.
Ang Pagkikita ni Jesus at ni Zaqueo
Bagamat si Zaqueo ay pandak, sa puno siya’y umakyat upang makita ang Mesiyas. “Zaqueo, bumaba ka!” ani Hesus sa kanya. Sa bahay niya tumuloy at kumain ang Panginoon natin, buhay niya’y nabago at sumunod kay Hesukristo.
Ang Muling Pagbuhay ni Jesus kay Lazaro
Napahimutok si Hesus pagdating sa libingan ng kanyang minamahal na kaibigan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato, ipinaalis ni Hesus ang takip na bato, tumingala at nagpasalamat sa Diyos Ama, pagkatapos siya’y sumigaw “Lazaro, lumabas ka!” at lumabas nga si Lazaro. Napupuluputan ng kayong panglibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila “kalagan niyo siya at ng makalaya.”
Ang Pagpapala ni Jesus sa mga Bata
Dinala ng mga tao kay Hesus ang maliliit na bata, upang mahipo niya ang mga ito, ngunit sinuway ng mga alagad ang nagdala sa kanila, subalit lubhang nagalit si Hesus nang makita ito, sinabi niya sa mga alagad “pahintulutan niyong lumapit sa akin ang mga bata at huwag ninyo silang hadlangan. Sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos nang tulad sa isang maliit na bata ay hindi makapapasok rito sa anumang paraan.” At niyakap ni Hesus ang mga bata at ipinatong ang kanyang mga kamay sa mga ito at sa oras na iyon ay pinagpala niya ang mga bata.
Ang Pangangaral ni Jesus tungkol sa Talinhaga ng Alibughang Anak
Ang talinhaga ng alibughang anak ay isa sa kilala na nasusulat sa Ebanghelyo ni San Lukas. Ito ay naglalarawan ng pagbabalik loob ng bunsong anak at ng dakilang pag-ibig ng ama nang patawarin niya ang nagsisi niyang anak. Ito ang nagbibigay diin at kumakatawan sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan.
Ang Pagpapatawad ni Jesus sa Babaeng Nahuling Nakikiapid
Si Hesus ay bumaba sa bundok ng Olibo at nagbalik sa Templo, dinala sa kanya ng mga Pariseo at Eskriba ang isang babae na nahuling nakikiapid, sinabi nila “Guro, ang babaeng ito ay nahuli sa pakikiapid. Ayon sa kautusan ni Moises, dapat batuhin siya hanggang sa mamatay.” Yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Sinabi ni Hesus “sinuman sa inyo ang walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” Umalis ang mga tao at sinabi sa babae “hindi rin kita parurusahan, humayo ka at huwag nang magkasala.”
Ang Pagbubuhos ni Maria ng Betania ng Pabango kay Jesus
Tanda ng kagalakan at pasasalamat, si Maria ng Betania ay di nag atubili na ibuhos ang mamahaling pabango sa paa ni Hesus. Hindi niya inisip ang halaga ng pabangong natapon sa sahig, ni ang sasabihin ng mga taong nakasaksi sa kanyang ginawa. Kinalimutan niya ang kanyang sariling kapakanan, alang-alang kay Hesus na nagkaloob sa kanya ng pagpaapatawad at panibagong pagkakataon. Siya ay dating makasalanan subalit nagbalik-loob sa Diyos at naging tagasunod ni Hesus.
ANG SIMULA NG PAGPAPAKASAKIT NI JESUS
Ang Maluwalhating Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem
Nabalitaan ng makapal na taong dumalo sa pista na patungo sa Herusalem si Hesus. Kumuha sila ng mga talapa ng palma at lumabas sa lungsod upang siya’y salubungin. Ganito ang kanilang sigaw “Hosanna, purihin ang dumarating sa ngalan ng Panginoon. Purihin ang Hari ng Israel.”
Ang Paglilinis ni Jesus sa Templo ng Jerusalem
Pumasok si Hesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda. Sinabi niya sa mga ito “nasusulat, ang aking bahay ay tatawaging bahay dalanginan ngunit ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw.”
Ang Pananangis ni Jesus sa Jerusalem
Nang malapit na siya sa Herusalem at matanaw niya ang lungsod, ito ay kanyang tinangisan, sinabi niya “kung nalalaman mo lamang sa araw na ito, kung ano ang makapagdudulot sa inyo ng kapayapaan! Ngunit lingid ito ngayon sa iyong paningin. Sapagkat darating ang mga kaaway, kukubkubin at gigipitin sa magkabi-kabila. Wawasakin ka nila, at lilipulin ang mga anak mo sa loob ng iyong muog. At ni isang bato’y wala silang iiwan sa ibabaw ng kapwa bato, sapagkat hindi mo pinansin ang pagdating ng Diyos upang iligtas ka.”
Ang Pagsumpa ni Jesus sa Puno ng Igos
Ang pagsumpa ni Jesus sa puno ng Igos ay isang uri ng talinhaga sa gawa. Ang bayang hindi nagbunga ng tulad ng lungsod na tinatangisan sa darating na pagkawasak, ang puno naman ay isinumpa.
Ang Paghahanap at Pakikipagusap ng ilang Griyego kay Jesus
Ang mga Griyegong nagsasaliksik ng karunungan ay lumapit kay Felipe at inilapit ni Andres sa Panginoong Hesus. Sa kanila’y ipinahayag “na maliban na mahulog sa lupa ang butil ng trigo, at namatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mabunga ng sagana.”
Ang Pagsasalo ni Jesus, ng Mahal na Ina at ni Juan
Nagtungo sa Betania si Hesus at ang kanyang mga apostoles. Nagsiluklok sa dulang at kumain. Ang Birheng Maria kapiling ang mga anak niya, noo’y parang bumakas na ang di magandang mangyayari.
Ang Pamamaalam ni Jesus sa kanyang Ina
Dito ay ipinakita ang pamaamalam ni Hesus sa kanyang ina. Sinong Ina ang matutuwa kung sa bibig mismo ng kanyang anak namutawi ang mga katagang pamamaalam upang lumisan. Ang kalumbayan ni Maria ay patuloy na mananatili kung tayo rin na kanyang mga anak ay iiwan siya dulot ng ating mga pasakit at pagkakamali.
Ang Paghahati ng Tinapay
Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng Tinapay si Hesus at matapos magpasalamat sa Diyos, kanyang pinagpirapiraso at ibinigay sa mga alagad “kunin ninyo ito at kanin, ito ang aking katawan.” Wika niya.
Ang Pagtatag ni Jesus ng Eukaristiya sa Huling Hapunan
Dumating ang pista ng tinapay na walang lebadura, inutusan ni Hesus sina Pedro at Juan upang ihanda ang hapunang Pampaskuwa. dumulog si Hesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. Inihayag niya ang dugo ng tipan na mabubuhos dahil sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Ang Paghuhugas ni Jesus sa mga Paa ng mga Apostol
Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Hesus, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. “kung akong Panginoon ninyo at guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”
ANG PAGPAPAKASAKIT NI JESUS
Ang Pananalangin sa Halamanan
Gaya ng kanyang nakaugalian, umalis si Hesus kasama ang mga alagad, pumunta sila sa ibayo ng batis Cedron at pumasok sa isanag halamanan na tinatawag na Getsemani. Doon, siya’y nanalangin.
Ang Pananalangin sa Halamanan kasama ang Tatlong Apostol
Ipinagsama ni Hesus sa pananalangin sina Pedro, Santiago at Juan sa dako paroon ng halamanan. Nang magbalik si Hesus at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad kanyang sinabi “magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
Ang Pananalangin sa Halamanan kasama ang Anghel
Nagpatirapa si Hesus at nanalangin “Ama ko, kung maari ilayo mo sa akin ang saro ng paghihirap na ito, gayunpaman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.” Nagpakita kay Hesus ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya.
Ang Panlulumo ni Jesus sa Halamanan
Tigib ng hapis siya’y nanalangin ng lalong taimtim, tumulo sa lupa ang kanyang pawis na animo’y malalaking patak ng dugo.
Ang Paghalik at Pagkakanulo ni Judas
Halos hindi pa natatapos mangusap si Hesus sa mga alagad, dumating ang mga taong pinangungunahan ni Hudas, lumapit at hinalikan si Hesus. Nasambit ni Hesus “Hudas, pagtataksilan mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Tainga ni Malco
Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng pinakapunong sacerdote. Natigdas ang kanang tainga ang aliping yaon na ang pangala’y Malco. Sinabi ni Hesus kay Pedro “isalong mo ang iyong tabak, dapat kong inumin ang saro ng paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama.” Tinipon ni Hesus ang tainga ng alipin at pinagaling.
Ang Pagdakip kay Jesus
Si Hesus ay dinakip at ginapos ng mga bantay na Hudyo at ng pangkat ng mga kawal sa pamumuno ng kanilang kapitan.
Ang Pagtatatwa ni Simon Pedro
Sumunod si Pedro sa bakuran ng bahay ni Anas. Nang gabing iyon ay may mga taong nagpaparikit sa patio ng bakuran at nakiupo si Pedro, doon siya ay nakilala ng isang utusang babae, itinatwa niya ng tatlong beses si Hesus, kasabay nito ay ang pagtilaok ng Manok.
Ang Pagsisisi ni Simon Pedro
Nang maitatwa na ni Pedro si Hesus ng tatlong ulit, sabay ng pagtilaok ng manok, umalis si Pedro at nanangis ng buong kapaitan.
Ang Pagharap ni Jesus kay Anas
Inilakad si Hesus na may sumusuntok na tumatadyak sa kanya patungo sa bahay ni Anas. Pinaratangan si Hesus na nagtuturo ng litong aral at pag-asang hindi totoo, aral na pawang daya at puno ng kapalaluan. Si Hesus ay hindi sumagot kaya’t si Anas ay agad na napoot.
Ang Pagharap ni Jesus kay Kayfas
Ipinagutos ni Anas at ng mga Pariseo na ihatid si Hesus kay Caifas. Nang maiharap si Hesus ay hindi na tinapos ang usap, ang winika’y pagpabukas na at sila ay napupuyat. Nang gabing paglalamay, madlang biro’t pangkukuyam dito kay Hesus na mahal.
Ang Unang Pagharap ni Jesus kay Pilato
Matapos siyang pahirapan, si Hesus ay dinala kay Pilato. Tinanong si Hesus kung siya ang hari ng mga Hudyo at sa kanilang pag-uusap ay ipinasiya na Pilato na hindi na muna siya hatulan. Matapos marinig na si Hesus ay isang Galileo, at siya’y nasa sinasakop ni Herodes, ipinadala ni Pilato kay Herodes si Hesus.
Ang Pagharap ni Jesus kay Herodes
Si Herodes nang panahong iyon ay dumalaw sa Herusalem at nakipag pista sa pista ng Paskuwa. Ikinatuwa ni Herodes ang kanilang pagkikita at humiling siya na gumawa si Hesus ng isang himala, ngunit hindi siya pinaunlakan. Si Herodes ay nagalit, pinabihisan ng magarbong damit si Hesus, kinutya at ipinabalik kay Pilato.
Ang Ikalawang Pagharap ni Jesus kay Pilato
Winika ni Pilato “dinala ninyo rito sa akin ang taong ito, na inyong sinasabing nagtulak sa inyo para mag-alsa laban sa pamahalaan at maging si Herodes ay wala ring makitang pagkakasala sa kanya. Kung kaya’t ipinabalik sa akin. Matapos na aking ipahampas, si Hesus ay aking palalayain.”
Ang Pagpapapili kung si Jesus o si Barabas ang Pawawalan
Tuwing pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng Gobernador ang pagpalaya ng isang bilanggo, sinumang mahiling ng taong-bayan. Ang mga tao’y sinulsulan ng mga punong Sacerdote at ng mga matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain at si Hesus ang ipapatay. Kaya’t nang tanungin ni Pilato ang mga tao “sino sa dalawa ang ibig niyong palayain ko?” at ang kanilang isinigaw “si Barabas po!”
Ang Pagpapahula kay Jesus
Matapos pawalan si Barabas, si Hesus ay dinuran at piniringan. May mga taong humahampas at sumusuntok sa kanya at saka nagtatanong “Hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo.”
Ang Paghahampas kay Jesus na nakatali sa Haliging Bato
Tunay na masakit para sa isang tao ang makitang hinahagupit ang kanyang Panginoon. ang Panginoon na walang sala, halinhinang hinahampas sagad na sagad hanggang sa buto ang sakit. Mga pagpapahirap na dulot natin, ikaw at ako, tayong lahat ay may kinalaman sa pagpapahirap sa Panginoon.
Ang Panlulupaypay ni Jesus
Dahil sa tindi ng hirap na dinanas ni Hesus, anupa’t buong katawan niya ay lupaypay sa mga pasakit na sa kanya’y ibinigay ng mga taong sa kanya ay nakapaligid.
Ang Pagbibigay ni Claudia ng Sudaryo sa Mahal na Birheng Maria
Sa paglilitis kay Kristo, isang babae ang nagtanggol sa kanya; si Claudia Procula, asawa ni Pilato. Ayon sa leyenda, kay Mariang ina ibinigay niya ang Sudario, ang puting tela na ibinabalot sa bangkay bilang propesiya na si Hesus ay mamamatay.
Ang Pagpupunas ng Banal na Dugo ni Jesus
Dugong pumatak sa Panginoon na itinali at hinampas ay dinampian ng sudaryo, tanda ng pagpapahalaga at pag-ibig sa Mesiyas.
Nuestra Senora dela Esperanza Macarena
Ang Birhen ay nagbibigay halimbawa na maging sa matinding hapis, pag-asa nati’y di dapat mawala.
Ang Pagpuputong ng Koronang Tinik
Si Hesus ay kanilang pinaupo sa isang kamat na bangko, matapos halimhan ng damit na pulang-pula ay pinapagtangan ng isang kawayan ang ulo ay pinutungan ng tinik na litong likaw, at pinagluhuran, kunwari hari-harian.
Ang Paglilibak kay Jesus
Si Hesus ay minumurang totoo, pinagduduran at kinukutya at bawa’t isa’y sumisigaw “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo.”
Ang Pagpapatanaw ni Pilato kay Jesus
Nang maibanggit si Hesus ng mga Pariseo, ang ginawa ni Pilato ay pinatanaw siya sa mga tao. Ang wika’y “Ecce Homo! Narito at inyong tignan itong taong malumanay, kaawaawa ang lagay.”
Ang Paghihinaw ng mga kamay ni Pilato
Matapos ang matagal na pagtatalo, lumuklok si Pilato sa silyang nakatalaga, nagpakuha ng tubig, naghinaw at winika “wala akong pananagutan sa pagkamatay ng taong ito, bahala kayo.”
Ang Paggagawad ni Pilato ng Hatol kay Jesus
At sinambit ni Pilato “ako’y walang kinalaman dito, yamang sa inyong kalooban si Barabas ay kalagan at si Hesus ay siyang ipapatay. Sa kanya’y ipapasan ang krus ng kamatayan, Sa ipagtawag habang daan tuloy naming ipagitan sa dalawang magnanakaw.”
Ang Pagtanggap ni Jesus sa kanyang Krus
Una’y na wala nang magagawa kundi tanggapin ang krus ng kahirapan na sa kanya’y ipapapasan. Ang krus na sana’y tayo ang tumanggap dulot ng maraming kasalanang aming ginagawa.
Ang Pag-aatang ng Krus kay Jesus
Nang matapos na ang pagbasa ng hatol kay Hesus, iniatang na ang krus na sa lupa’y humuhilahod. Krus na yao’y mabigat, lumulobog sa balikat at lalo pang nakararagdag ang sala ng taong lahat.
Ang Pagyakap ni Jesus sa kanyang Krus
Matapos na maiatang ang Krus ng kapaitan ay niyakap ng lubusan at pagdaka’y tinangisan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno
Ang buo nating kasalanan ay inako ni Kristong tangan. Nang hinatulan ni Pilato, siya’y hindi nagsumamo para tayo masakop at ang buong sansinukob. Siya ang nagpakahirap, nagpakapos, nagpasintas ang kabutihang haba at bumuhat ng Krus na mabigat. Ito ang hirap na tiniis ni Kristong poon natin.
Ang Unang Pagkasubasob ni Jesus
Sa kabigatan ng krus na pinapasan ni Hesus, agad napasubasob ang mukhang kalunos-lunos sa lupang umaalabok.
Ang Pagkasalubong ni Jesus sa kanyang Namimighating Ina
Nakasalubong ni Hesus ang inang Mariang iniirog. ang mga mata’y lumuluha, ang puso ay nagdurugo na handang akuin at halinhan sa pagbuhat ng krus, mabuhay lamang si Hesus.
Nuestra SeƱora de la Amargura
Matapos ang kapaitpaitang pagtatagpo ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang anak sa daan patungong Kalbaryo, siya ay namimihagting sumunod sa kanyang anak, kasama si San Juan, ang pinakamamahal na alagad hanggang sa bundok ng Kalbaryo. Patuloy ang pag-agos ng patak ng luha mula sa mga mata, animo’y ang puso ng ina ay tinarakan ng matalim na balaraw, bilang kaganapan ng matagal na propesiya. Gustuhin man ng Mahal na Ina na akuin ang paghihirap ng anak, ay kailangang magpatuloy ni Hesus sa pagapsan ng Krus, upang tupdin ang ibig ng amang nasa langit; ang kanyang tungkulin bilang manliligtas.
Ang Pagtulong ni Simon Cireneo
Paglabas nila ng lungsod kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirineo. Pilit nilang pinapasan sa kanya ang Krus ni Hesus.
Ang Pagpapahid ni Veronica sa mukha ni Jesus
Nang makita ni Veronica si Hesus at masilip ang mukha, tigib ng sakit at dugo at madlang pawis, ipinahid kapagdaka ang birang na dala-dala, noon ay kakaba-kaba, bubunto-buntong hininga hapis na walang kapara.
Ang Paglalahad ni Santa Veronica sa Tatlong mukha ni Jesus
Sa laking kapangyarihan ng Diyos, isang himala ang nangyari; ang mukha ni Hesus ang nalarawan sa ipinahid na birang, at nang inilahad, ay tatlong mukha ang nahayag.
Ang Ikalawang Pagkasubasob ni Jesus patungong Kalbaryo
Kung itindig niya ang nanginginig na katawan, ay halos di makayanan sa di kawasa’y napagal at muling napasubasob.
Ang Pagkasalubong ni Jesus sa Kababaihan ng Jerusalem
Sinundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaeng nananaghoy at nanambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila “mga kababaihan ng Herusalem, huwag niyo akong tangisan, ang inyong tangisan ay inyong mga anak, mga sarili.”
Ang Ikatlong Pagkarapa ni Jesus
Katawan ay nanghina, iginapang sa lupa yaong krus na mahaba at ikatlo itong pagkarapa ni Kristo. Katawan ay nanlumo at nanginginig sa lupa ay napasubasob ang mahal na mukha ni Hesus, dulot ng malaking pagkapagod gutom at madlang dayukdok.
ANG PAGPAPAKO AT KAMATAYAN NI JESUS
Ang Pagsang-ayon ni Jesus na siya ay ipako sa Krus
Nang hindi uminom si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo, siya ay ipinahiga na sa krus, walang imik sa kanyang pagsang-ayon.
Ang Paghuhubad ng Damit ni Jesus
At nang dumating sila sa Golgota, hinubaran kapagdaka si Hesus ng mga palamara na nagungutya at nagdika “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!”
Ang Pagpapainom kay Jesus ng Suka na may Apdo
Dating kaugalian na kung may papataying sinuman upang hirap ay matagalan, ay paiinumin ng alak na may halong Mira. subalit nang matikman ni Hesus ay hindi ininom.
Ang Pagpapako kay Jesus sa Krus
Nang dumating sila sa dakong tinatawag na bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako din nila ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Pinagtibay naman at pinalagay ni Pilato ang sakdal laban sa kanya: “Ito ang hari ng mga Hudyo.”
Ang Pagbabangon sa Krus
Nang mairaos ang pagpapako kay heus, ipinauna ang krus at kanilang ibinangon na ang Krus at kanilang itinulos. Sila ay may laang hukay na pagtitirikan, ang Krus ay iniumang, itinaas at pagkatapos saka biglang binitiwan. Ano pa’t si Hesukristo naghirap nagpanibago, ang kanyang tanang buto nayugyog ng totoo.
Ang Paghahabilin ni Jesus sa kanyang Mahal na Ina kay Juan
Nang makita ni Hesus ang kanyang ina at minamahal na alagad, kanyang sinabi “Mulier, ecce filius tuus - ina, narito ang iyong anak.” At sinabi sa alagad “Ecce Mater tua - narito ang iyong ina.”
Ang Pagsasapalaran sa damit ni Jesus
Kinuha ng mga kawal ang kasuotan ni Hesus at pinaghati-hatian sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang tunica, ito ay walang tahi at hinawi ng buo mula itaas hanggang ibaba. Nagusap-usap ang mga kawal “huwag nating punitn ito, magsapalaran na lang tayo, para malaman kung kanino iuuwi.” Nangyari ito upang matupad ang sinasaad sa kasulatan ‘pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan at ang aking damit ay kanilang pinagsapalaran.’
Ang Pagsusulgi sa Bibig ni Jesus
Alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay at bilang katuparan ng kasulatan ay sinabi niya “nauuhaw ako.” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak, itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig.
Ang Pagkamatay ni Jesus sa Krus
Matapos masipsip ni Hesus ang maasim na alak ay kanyang sinabi “naganap na!” iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Ang Pagsibat ni Longino sa Tagiliran ni Jesus
Sa pagdating ng mga kawal at nakitang patay na si Hesus, hindi na nila binali ang kanyang mga binti, subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal na nagngangalang Longinos ang tagiliran ni Hesus at biglang dumaloy ang dugo at tubig. Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ng kasulatan ‘walang mababali isa man sa kanyang mga buto.’ At sinabi ng isang bahagi ng kasulatan ‘Pagmamasdan nila ang kanilang inulos.’
Ang Pagtatanggal kay Jesus mula sa Krus
Sapagkat noong araw na iyon ay araw ng paghahanda ng mga Hudyo, ayaw nila na may mananatili sa Krus na mga bangkay sa araw ng pamamahinga. Kaya’t si Hesus ay tinanggal nila sa pagkakapako sa Krus.
Ang Pagbababa kay Jesus mula sa Krus
Matapos tandigan ng hagdan ang Krus, kapagkarapa ay inalis ang titulong apat na letra, sinunod ang koronang tinik, inalis ng dahan-dahan, sinaklay ang magkabilang tagiliran ng kayong kanilang taglay. Tinanggal nila’t pinokpok yaong mga pakong tumagos sa mga kamay at paa ni Hesus.
Ang Bangkay ni Jesus sa kandungan ng kanyang Namimighating Ina
Tunay na dalamhati ang mararamdaman ng isang ina, lalo na kung makita niya ang kanyang mahal na anak ay patay na. Ang kahirapan na kanyang dinanas ay tunay na madama natin upang tayo’y kanyang makaisa bilang pamilya.
Ang Pananaghoy ng Mahal na Birhen sa bangkay ni Hesus
Sa Pagdadalamhati sa pagyao ng Panginoong Hesukristo, hindi lamang si Mariang Ina, kundi ang mga Anghel ay nanangis sa kalunos-lunos na sinapit ng manunubos ng mundo.
Ang Paghahanda sa Libing ni Jesus
Si Nicodemo ay may dalang pabango, mga sandaang libra ng pinaghalong mira at aloe. Kinuha nila ang bangkay ni Hesus at nilagyan ng pabango, habang binabalot sa kayong lino ayon sa kaugalian ng mga Hudyo.
Ang Paglilibing kay Jesus
Si Jose na taga arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Hesus. Sa pinagpakuan kay Hesus ay may isang halamanan, dito’y may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan. Doon nila inilibing si Hesus.
Virgen de la Soledad: Ang Inang Nangungulila
O Inang Maria ng mga nangungulila, na nagkaroon ng lakas mula sa itaas, iyong tiniis ang sakit. sa Kalbaryo nakiisa ka sa pagdurusa ni Hesus at sa iyong kandungan siya’y kinalong na puno ng hapis at lumbay.
Santo Entierro: Ang Bangkay ni Jesus
Ang bangkay ng ating Panginoong Hesus na bugtong na anak ng Diyos, namatay sa Krus alang-alang sa pagtubos sa ting pagkakasala. Maraming salamat po, Panginoong Hesus dahil sa pagliligtas mo’y makakamtan namin ang paraiso.
ANG PAGLILIBING KAY JESUS
San Longino
Mula sa bibig ng dayuhan at hindi sa isang kaibigan sa Krus ay sumilang ang pananalig sa Panginoon, ang Centurion si Longinos na inulos ang tagiliran ni Kristo ay kinalala siya na tunay na anak ng Diyos. Mula sa sugat na ito ng Panginoon ay tumulo ang Dugo at Tubig na siyang nagpagaling sa karamdaman sa katawan ng sundalo. Matapos ang kaganapan na ito ay tinalikuran niya ang pagiging kawangi ni Pilato at naging disipulo ni Hesus. Sa Simbahan ng Papa sa Roma, ang sibat ni San Longino ay ipinakikita sa mga Mahal na Araw, kasama ng Krus at ng Birang ni Veronica.
San Nicodemo
Ang Pariseo na lihim na disipulo ng ating Panginoon, kahit kasapi ng mga Sanhedrin. Sa dilim ng gabi, nakipagusap para siya ay maligtas, pagsilang sa Espiritu at tubig ang paliwanag ni Hesus sa kanya. Mahigpit at pasimple niyang tinutulan ang paglitis kay Hesukristo. Kasama ni Jose ng Arimatea, ang pariseong si Nicodemo ang bumili ng mga pabango para sa bangkay ni Hesukristo. Siya rin ang naglibing sa Panginoon sa halamanan at nagbalot ng kanyang bangkay.
San Jose ng Arimatea
Si San Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kagawad ng Sanhedrin at lihim na tagasunod ni Hesukristo. Siya’y naghihintay sa pagdating ng paghahari ng Diyos. Sapagkat araw ng paghahanda o bisperas ng araw ng pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Katuwang nito si Nicodemo sa pagbaba ng katawan mula sa Krus gamit ang linong balabal, buong puso niyang ibinigay ang kanyang bagong ukit na libingan kay Hesus.
Santa Susana
Si Susanna ay nakasama si Maria Magdalena at Juana de Cusa sa paglilingkod kay Hesus. Bagama’t hindi madalas na nabanggit ang kanyang pangalan sa talambuhay ni Hesus, katulad ng ibang kababaihan ng Jerusalem, ay lubhang mahalaga ang kanilang gampanain, lalo’t higit noong si Hesus ay hulihin, pahirapan at ipako sa Krus na kung saan halos lahat ng kanyang mga Apostoles ay iniwan siya, ang mga kababaihang ito ay nanatiling nakabantay at lumuluha para kay Hesus. Hindi nila tinalikuran ang Panginoon, hanggang sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Sila ay nanatiling tapat kay Hesus.
Santa Maria, Ina ni San Marcos
Si Maria, Ina ni Juan Markos ay isa sa mga tagasunod ng ating Panginoong Hesukristo noong kanyang pagmiministeryo. Buong puso niyang inihandog ang kanyang tahanan na siyang pinagdausan ng Huling Hapunan. Ang lahat ng kanyang mga ari-arian ay kanyang ipinagbili at inilaan para sa unang pamayanang kristiyano. Bilang tanda ng kanyang pakikibahagi sa Huling Hapunan, makikitang hawak niya ang kalis, kabilang na ang mga susi na sumasagisag sa kanyang tahanan na kung tawagin ay “Senakulo” na hanggang sa ngayon ay nakatayo sa Bundok Sion. Namatay siya na salat sa materyal na yaman, ngunit puspos ng biyaya ng Diyos.
Santa Juana, Asawa ni Cusa
Si Juana ay maybahay ni Cusa na katiwala ni Herodes Antipas, ang tetrarka ng Galilea. Kabilang siya sa mga babaeng tumustos sa pamamagitan ng kanilang mga ari-arian sa mga pangangailangan ni Hesus at ng kanyang mga alagad.
San Lazaro ng Betania
Si Lazaro ay kapatid nina Marta at Maria at kaibigang matalik ni Hesus na Panginoon. Nang siya ay magkasakit ay sinabi ni Hesus na hindi iyon tungo sa kamatayan kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Noong siya ay pumanaw, siya’y tinangisan bilang tanda ng pagmamahal ng Panginoon. Binuhay mula sa kamatayan at ibinalik sa kanyang mga kapatid na Marta at Maria.
Santa Maria ng Betania
Si Maria ng Betania ay ang kapatid nina Marta at Lazaro. Ang tatlong magkakapatid na ito ay masugid na tagasunod ni Hesus. Ayon sa iba’t-ibang dalubhasa sa banal na kasulatan, si Maria ng Betania at Maria Magdalena ay iisa lamang, sapagkat sa maraming pagkakataon ay magkatulad at magkaugnay ang mga pangyayari sa kanilang buhay, subalit mayroon din namang nagsasabi na magkaibang tao ang dalawang babaeng ito. Magkagayunpaman si Maria ng Betania ay nagpamalas ng pambihirang pagmamahal kay Hesus; siya ay laging handang makinig at tumalima sa pangangaral ni Hesus, siya ay nagbuhos ng mamahaling pabango sa paanan ng Panginoon, siya ay kinilalang makasalanan, subalit nagbagong buhay at naging tagasunod ni Hesus.
Santa Marta ng Betania
Si Marta ay kapatid nina Maria at Lazaro na pawang mabuting kabigan ni Hesus. Sa kanilang tahanan ang siyang tinuluyan ni Hesus sa Betania. Siya’y lubhang abalang-abala sa paghahanda sa kanilang mapagsasaluhan kaya siya ay minsang pinagsabihan.
Santa Maria Cleofe
Isa sa mga Maria na laging kasama ng Mahal na Birheng Maria. Masugid na tagasunod ni Hesus. Sinabi ni San Juan Apostol na isa siya sa mga saksi ng kalbaryo ng Panginoon sa Krus.
Santa Maria Salome
Isa sa mga Maria na laging kasama ng Mahal na Birheng Maria. Ina ni Juan at Santiago at asawa ni Zebedeo, at masugid na tagasunod ni Hesukristo. Ayon sa aklat nina San Mateo at San Markos, siya ay nagmamasid sa di kalayuan noong pinapako at pumanaw si Hesukristo sa Krus. Kasama din siya sa mga nakatagpo na wala sa libingan ang bangkay ng Panginoon. Simbolo ang incenso at kamanyang para pabanguhin ang Libingan.
Santa Maria Jacobe
Isa sa mga Maria na laging kasama ng Mahal na Birheng Maria. Ina ni Santiago Menor, masugid na tagasunod ni Hesus, kabilang sa mga saksi sa pagkamatay, paglilibing at muling pagkabuhay, simbulo niya ang walis na pinaglinis sa libingan.
Santa Maria Magdalena
Bilang ang babaeng nahuling nakikiapid o babaeng bayaran, nililinaw ng Simbahang Katolika na hindi ganoong babae si Magdalena. Siya ay may sariling kakayahan upang makatulong sa pamamalakaya ng ating Panginoon. Siya ay nakasama ng ating Panginoon, mula ng palayasin nito ang pitong demonyo mula sa kanya hanggang sa pagpapakasakit hanggang sa pagkamatay sa Krus at hanggang sa muling Pagkabuhay. Makikitang tanang ng imahen ang isang botelya ng pabango o di kaya’y isang balsamera sa anyo ng isang siboryo na kumakatawan sa dapat sana’y gagawing paglilinis ng bangkay ng ating Panginoon noong unang Pasko ng muling Pagkabuhay. “Apostola Apostolorum” o Apostol ng mga Apostol, ganito dapat ang ating pagkakilala kay Maria Magdalena bilang isa sa mga disipulo na matatag na dinamayan ang Mahal na Birhen sa paanan ng Krus ni Hesus. ganito natin dapat kilalanin si Maria Magdalena, dahil siya ang pinakaunang disipulo na pinagpakitaan ng Panginoong muling nabuhay na inutusang ihayag sa mga Apostol ang kanyang muling Pagkabuhay.
San Juan Evangelista
Isa sa apat na Ebanghelista, simbolo ay Agila, tanda ng katanyagan ng kanyang isinulat. Siya ang alagad na mahal ni Hesus at siya ang pinagbilinan ni Hesus sa Birheng Maria nang kanyang wikain “Anak, narito ang iyong ina.”
Mater Dolorosa: Ang Inang Nagdadalamhati
O Birheng Maria, inang puspos ng hapis at hirap, bilang ala-ala at paggalang sa labis na dalamhati, ang kasakitang dinamdam ng iyong kaluluwa nang mabatid ang iyong anak at ng malagusan ng sibat ang kanyang kanang tagiliran, isinasamo namin sa iyo alang-alang sa malaking halimbawa na ipinakita niya sa amin, na kami’y sumigla sa pagtitiis. Igawad mo sa amin ang taimtim na pagsunod sa kanyang mga utos at ang tunay na pagsisisi sa kaslanan at kagalingan, kapayapaan at katahimikan ng aming bayan. Amen.